
Ang 18-anyos na binata ay nasawi matapos tumalon at malunod sa Pasig River sa Bgy. 286, Binondo, Maynila, Lunes ng gabi, Enero 5.
Ayon kay Kagawad Hamid Salambat, pasado 7:00 ng gabi nang magkaroon ng kaguluhan sa likod ng barangay outpost. Isang sumbong ang natanggap na may taong nalunod sa ilog at hindi na lumutang. Humingi ng saklolo ang barangay sa Philippine Coast Guard, at bandang 8:47 ng gabi ay natagpuan ang palutang-lutang na katawan ng biktima.
Batay sa impormasyon ni Sangguniang Kabataan Adviser Carl Rovero, tumatalon ang biktima upang tumakas mula sa grupo ng humahabol na nakasakay sa isang pulang kotse. May mga kasama umano ang biktima na tumalon din sa ilog ngunit nakaligtas.
Lumalabas sa record ng barangay na ang biktima ay hindi residente ng Bgy. 286, ngunit na-turnover sa kanila noong Nobyembre 11, 2025, matapos ma-involve sa kaso ng pagnanakaw ng cellphone.
Patuloy ang imbestigasyon ng Manila Police District gamit ang CCTV footage upang matukoy ang dinaanan ng biktima at mapatunayan ang ulat tungkol sa pulang kotse. Dinala na sa punerarya ang labi para sa pagsusuri, habang hinahanap ang nakaligtas na kasama ng biktima para sa karagdagang pahayag.




