
Ang 23 turista ay nailigtas ng Philippine Coast Guard matapos lumubog ang kanilang recreational boat malapit sa Sombrero Island, San Pascual, Masbate noong Enero 3, 2026.
Siyam sa mga nasagip ang nagtamo ng bahagyang galos at agad na nilapatan ng lunas ng Regional Health Unit. Sa kasalukuyan, lahat ng pasahero ay nasa stable na kondisyon.
Ayon sa Coast Guard District Southern Tagalog, nagmula ang bangka sa Port of San Andres, Quezon at patungo sana sa Burias Island, Masbate para sa isang island hopping nang magkaroon ng butas sa hull. Nakatanggap ng ulat ang PCG dakong 11:15 ng umaga at natagpuan ang bangka bandang 2:00 ng hapon.
Isang pasahero ang nagsabing dalawang bangka sana ang gagamitin ngunit isa lamang ang ginamit at hinati ang grupo sa dalawang batch. Dahil sa limitadong kapasidad ng unang responder boat, pansamantalang naiwan ang ilang pasahero habang naghihintay ng karagdagang tulong. Wala ring naisalbang personal na gamit.
Patuloy ang imbestigasyon ng PCG upang malaman ang tunay na sanhi ng pagkasira ng bangka at kung may pananagutan ang operator nito.




