
Ang 2026 ay inaasahang magiging makabuluhang taon para sa manufacturing sa Pilipinas matapos mag-partner ang Google at Allied Corp. Asia Pacific Pty. Ltd. para magtayo ng Chromebook manufacturing facility sa Camarines Sur Uptown Global City.
Ang Camarines Sur Uptown Global City, isang proyekto ng LGU, ay nasa proseso ng pagiging PEZA-registered economic zone. Target ang initial operations sa 2026, na tututok sa local assembly ng Google Chromebook laptops at iba pang education technology devices para sa mga public schools sa buong bansa.

May sukat na humigit-kumulang 5,000 square meters ang pasilidad at may kakayahang gumawa ng 100,000 units kada buwan. Bawat production shift ay lilikha ng tinatayang 110 full-time technician jobs, bukod pa sa mga indirect jobs sa logistics, supply chain, repairs, at after-sales service.
Kaayon ang proyektong ito sa layunin ni President Bongbong Marcos na buhayin ang manufacturing industry sa pamamagitan ng pagpapalakas ng human capital at pagtiyak na ang mga investments ay may konkretong benepisyo sa mga pamilyang Pilipino, lalo na sa labas ng Metro Manila.
“Sa local assembly ng education devices, mas napapalakas ang supply chain, nababawasan ang delays, at natitiyak na ang mga paaralan—lalo na sa far-flung areas—ay hindi maiiwan sa digital transformation ng edukasyon,” ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara. Dagdag naman ni Allied Corp. CEO Aron Saether-Jackson, makatutulong ito upang pabilisin ang deployment at tiyaking may reliable digital tools ang mga mag-aaral para sa isang globally competitive future.




