
Ang libo-libong deboto ay dumagsa sa Quiapo Church para sa taunang basbas ng mga replika at estandarte ng Jesus Nazareno noong Enero 3. Bitbit ng mga mananampalataya ang iba’t ibang laki ng imahe bilang simbolo ng kanilang pananampalataya, panata, at pasasalamat.
Kabilang sa mga dumalo si 8-anyos na Dwayne Anthony Delos Santos mula Sampaloc, Manila, na nagdala ng kanyang koleksyon ng maliliit na relihiyosong imahe upang ipabasbas. Ayon sa kanyang ama, mula pagkasilang ay dinadala na siya sa Quiapo, at itinuturing siyang isang himala matapos malampasan ang komplikasyon noong pagbubuntis ng kanyang ina.
Hindi rin nagpahuli ang mga debotong mag-isang bumiyahe, gaya ni Noel Vera mula Pasig, na emosyonal na nanalangin at nag-alay ng kanyang buhay sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ayon sa simbahan, ang mga replika ay tanda ng mga panalanging dininig at biyayang natanggap. Umabot sa 3,228 replika ang nabasbasan bago matapos ang aktibidad bandang 7:55 ng gabi.




