
Ang simpleng delivery ng kalakal sa Quiapo, Maynila ay nauwi sa pamamaril, kung saan 1 lalaki ang patay at 1 ang kritikal. Nangyari ang insidente noong Enero 2 sa loob ng isang warehouse sa Palanca Street, at nakuhanan ng CCTV ang pangyayari.
Ayon sa pulisya, nag-ugat ang gulo sa away sa delivery fee sa pagitan ng magkapatid na delivery riders at ng magbayaw na trabahador. Nagkaroon ng mainitang sagutan, na humantong sa pananampal sa pahinante ng delivery van.
Dahil sa paniwalang pinagtulungan ang kanyang kapatid, bumunot ng hindi lisensyadong baril ang 33-anyos na driver at pinaputukan ang dalawang biktima. Dead on the spot ang 32-anyos, habang kritikal ang 35-anyos na bayaw nito.
Mabilis na tumakas ang mga suspek ngunit naaresto ang driver sa Batangas Port, habang boluntaryong sumuko ang pahinante sa Barbosa Police Station, dala ang ginamit na baril. Magkasama na silang nakakulong sa custodial facility.
Inihahanda na ng MPD Homicide Section ang mga kasong murder, frustrated murder, at illegal possession of firearms and ammunition laban sa magkapatid na suspek.




