
Ang 16-anyos na Pilipino na si Kean Kaizer Talingdan ay natagpuan na at nakumpirma ang kanyang identidad matapos maiulat na nawawala kasunod ng nakamamatay na sunog sa Le Constellation bar sa Crans-Montana, Switzerland noong Enero 1, 2026.
Ayon sa kanyang ina na si Kristal Talingdan, si Kean ay kasalukuyang naka-confine sa University of Zurich Hospital. Stable ang kanyang kondisyon, ngunit hindi pa siya maaaring lapitan habang patuloy na minomonitor ng mga doktor ang kanyang kalagayan.
Si Kean ay nasa Switzerland para sa isang maikling bakasyon at nanunuluyan sa bahay ng pamilya ng kaibigan. Kasama niya ang tatlong kaklase na pawang nasugatan matapos dumalo sa isang New Year’s Eve celebration na nauwi sa trahedya.
Ayon naman sa kanyang ama na si Yohan Guiot, nakatanggap siya ng tawag mula kay Kean bandang 4:00 a.m. gamit ang telepono ng isang rescuer. Sinabi ng rescuer na si Kean ay may malalawak na paso at 45 minutong ginamot sa lugar bago isinugod sa ospital.
Posible ring ilipat si Kean sa Italy, partikular sa Niguarda Hospital sa Milan, kung papayagan ng mga doktor. Sa pinakahuling ulat, 40 katao ang nasawi at 121 ang nasugatan, habang patuloy pa rin ang imbestigasyon at pagkilala sa mga biktima dahil sa tindi ng pinsala.




