
Ang mahigit 100 pamilya ang naapektuhan matapos lamunin ng sunog ang isang residential area sa Juliana St., Brgy. Potrero, Malabon City madaling-araw ng Enero 4, 2026.
Nagsimula ang apoy pasado alas-dose ng madaling-araw sa ikatlong palapag ng isang paupahang bahay. Ayon sa mga residente, isang pumutok na extension wire na dumikit sa mga nakasampay na damit ang pinaghihinalaang pinagmulan ng sunog.
Umabot sa ikalawang alarma ang insidente at tinupok ang mahigit 20 bahay. Ayon sa BFP Malabon, naging mahirap ang pagresponde dahil sa masisikip na eskinita at sa mga bahay na gawa sa light materials, dahilan ng mabilis na pagkalat ng apoy.
Idineklarang fire under control bago mag-alas-2 ng umaga. Mabuti na lamang at walang nasawi o nasugatan sa insidente, ayon sa mga awtoridad.
Pansamantalang inilikas ang mga biktima sa Potrero Elementary School, kung saan ginagamit ang mga silid-aralan bilang evacuation center. Nanawagan ang mga nasunugan ng tulong at pansamantalang tirahan, habang patuloy pa ang imbestigasyon sa sanhi at halaga ng pinsala.




