
Ang Mazda2 ay muling nagbabalik para sa 2026, patunay na buhay na buhay pa rin ang sub-compact na ito. Sa halip na i-retire, binigyan pa ito ng bagong features sa Japan tulad ng 60/40 split-folding rear seats, rear privacy glass, 360-degree camera, at parking sensors. Mayroon na rin itong auto-dimming rearview mirror para sa mas ligtas na pagmamaneho.
Pinaganda rin ang tech features ng sasakyan dahil nakuha na nito ang 8.8-inch Mazda Connect system, na ginagamit sa mas bagong models gaya ng Mazda3, CX-60, at MX-5. Dahil dito, mas moderno at mas user-friendly na ang infotainment ng Mazda2.
Pinakakapana-panabik naman ang paglabas ng Mazda2 15MB (Motorsports-Based). Ang variant na ito ay may mas malakas na 1.5L Skyactiv-G engine na nagbibigay ng 116 horsepower at 149 Nm torque. Mas mataas ito kumpara sa regular na Mazda2. Kasama ng power bump ang 6-speed manual transmission na may ibang gear ratios para sa mas sporty na performance.
Upang maging mas magaan at mas mabilis, binawasan din ng Mazda ang bigat ng 15MB ng 50 kilograms. Tinanggal ang ilang comfort features at maging ang ADAS, upang mas tutok ito sa motorsports setup.
Sa lahat ng updates na ito, malinaw na patuloy pa ring lalaban ang Mazda2 hanggang 2026. Gayunpaman, may posibilidad ng kapalit sa hinaharap matapos ipakita ang Vision-X Compact Concept sa Japan Mobility Show.




