
Ang isang kilalang hitman na sangkot umano sa pagpatay ng tricycle driver sa Tondo, Maynila noong nakaraang taon ay nahuli sa Bulacan.
Hinuli ng mga pulis mula sa Warrant and Subpoena Section ng Manila Police District ang suspek sa Barangay Lambakin, Marilao nitong Oktubre 23. Sinilbihan siya ng warrant of arrest dahil sa kasong murder. Tumakbo pa ang 30-anyos na suspek pero agad din siyang naabutan ng mga awtoridad.
Ayon kay Police Major Gil John Lobaton, matagal na nilang minamanmanan ang suspek dahil isa umano itong hitman ng mga drug pusher. Kapag hindi nakakapag-remit, siya raw ang inuutusan para pumatay. Sa Maynila siya madalas gumawa ng krimen bago tumakas papuntang Marilao.
Aminado ang suspek na gumagamit siya ng droga pero itinanggi ang pagkakasangkot sa krimen. Sabi niya, may galit lang daw sa kanya kaya siya itinuro.
Naluluha naman ang mga magulang ng biktima nang mabalitaan ang pag-aresto. Ayon sa kanila, sana mahuli rin ang utak ng krimen at maparusahan. Nakuha sa suspek ang dalawang baril at mga bala. Kasalukuyan siyang nakakulong sa MPD at nahaharap sa kasong murder at illegal possession of firearms.




