
Ang tatlong tao ay naaresto matapos mahuli sa ilegal na LPG refilling sa San Jose, Batangas. Ayon sa ulat ng CIDG, aktwal na nakita ang mga suspek na nagre-refill ng LPG cylinders nang walang permit.
Nagreklamo ang ilang brand owners dahil sa cross-filling ng tangke na may pangalan ng kanilang kompanya. Ayon kay Police Maj. Helen Dela Cruz, delikado ito dahil maaaring sumabog ang mga tangke.
Sa operasyon, nakuha ang isang bullet truck na may dalang 38,000 litro ng LPG, isang delivery truck, mga refilling machine, compressors, timbangan, ilang napunong LPG cylinders, at 193 bakanteng tangke mula sa iba’t ibang brand. Tinatayang nasa ₱7.8 milyon ang halaga ng lahat ng nakumpiska.
Paalala ng CIDG sa publiko: huwag bumili ng LPG sa hindi rehistradong refiller. Siguraduhin na may DOE sticker at awtorisadong supplier para sa kaligtasan ng lahat.
Ang tatlong suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa LPG Industry Regulation Act.