Ang BYD sa China ay hindi lang may isang ace kundi isang buong baraha sa kanilang manggas. Sa loob ng ilang araw ng tour, ipinakita nila ang kanilang headquarters sa Shenzhen, Di Space Museum, at All-Terrain Circuit sa Zhengzhou. Dito makikita na ang BYD ay hindi lang basta gumagawa ng sasakyan—sila ay gumagawa ng hinaharap.
Ang BYD ang kanilang pangunahing brand na binebenta sa buong mundo. Mayroon din silang Denza na mas premium, Fangchengbao para sa mga luxury off-roader, at Yangwang na ultra-luxury at high-performance brand. Sa katunayan, ang Yangwang U9 ang kasalukuyang pinakamabilis na production car sa mundo na umabot sa 496 km/h.
Ipinagmamalaki ng BYD ang kanilang iba’t ibang platforms tulad ng DM-i, DM-O, at bagong DM-P para sa All-Wheel Drive plug-in hybrids. Para sa mga EVs, mayroon silang e-Platform 3.0, Super e-Platform na kayang mag-charge ng 400 km sa loob lang ng 5 minuto, at e4 na gamit ng mga Yangwang models.
Ang kanilang Blade Batteries ay may iba’t ibang sizes (short, square, long) at gamit ang cell-to-body technology, mas ligtas at mas matibay kumpara sa ibang baterya. Isa sa ipinagmamalaki ng BYD ay hindi ito madaling sumabog o magliyab kahit tinusok.
Sa kanilang R&D Division, mayroon silang 120,000 engineers at higit 35,000 patents na aprubado, habang 59,000+ pa ang nakabinbin. Mayroon din silang Golden Patents na mahalaga hindi lang sa BYD kundi para sa buong bansa. Ang ganitong dedikasyon sa innovation ang dahilan kung bakit sila nasa unahan ng kompetisyon.
Sa All-Terrain Circuit, ipinakita ng BYD ang kakayahan ng kanilang mga sasakyan. Ang Yangwang U9 ay may napakalakas na acceleration at cornering, habang ang Yangwang U8 ay may kakaibang feature na kayang lumutang sa tubig hanggang 30 minuto—isang malaking tulong sa mga bansang madalas bahain tulad ng Pilipinas.
Bukod sa mga kotse, gumagawa din sila ng SkyRail at SkyShuttle, mga electric trains na abot-kayang itayo at kayang magbigay ng mas mabilis na transportasyon sa mga lungsod. Maaari itong maging sagot sa trapiko sa Metro Manila kung sakaling ipatupad.
Mula sa kotse, SUV, luxury brands, baterya, hanggang tren, ipinapakita ng BYD na kaya nilang baguhin ang hinaharap ng mobility. Isipin na nagsimula lang silang gumawa ng kotse noong 2003, pero ngayon ay isa na sila sa nangunguna sa buong mundo. Hindi nakapagtataka kung bakit patuloy silang hinahangaan at inaabangan ang susunod nilang hakbang.