
Ang isang 33-anyos na lalaki ay patay matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Katipunan Avenue, Barangay Loyola Heights, Quezon City pasado alas-5:30 ng madaling araw nitong Miyerkoles.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, lumalabas na inagaw ang motorsiklo ng biktima ng mga suspek na nakasakay sa motor o tinaguriang riding-in-tandem.
Tinamaan ng bala sa batok at sa likod ng balakang ang biktima. Ayon kay Jessie Mirasol, pinuno ng emergency response team sa Loyola Heights, natagpuan nila ang lalaki na nakadapa at wala nang pulso nang dumating sila sa lugar.
Patuloy pa ang imbestigasyon at backtracking ng pulisya upang matukoy kung sino ang mga salarin at para mahanap sila sa lalong madaling panahon.




