
Ang dalawa sa limang suspek sa pagpatay kay dating PCSO Board Secretary Wesley Barayuga ay kusang sumuko sa NBI-Organized and Transnational Crime Division.
Unang sumuko si Nelson Mariano noong Setyembre 29, isang araw matapos lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya, kay Royina Garma, Edilberto Leonardo, alyas “Toks”, at Santie Mendoza.
Sumunod namang sumuko si Mendoza noong Setyembre 30. Siya ay kinuha ng mga tauhan ng NBI sa Bacolod City at dinala sa Maynila kinagabihan. Ayon sa kanilang abogado na si Raymund Palad, pinili nilang sa NBI sumuko dahil mas neutral at ligtas ito, lalo na’t mga dating pulis ang mga akusado.
Mariin namang itinanggi nina Mendoza at Mariano na sila’y nagtago. Giit ni Mendoza, hindi siya nagtago at naninindigan siya sa pahayag na si Garma umano ang nag-utos ng pagpatay kay Barayuga. Nanawagan din siya kay Garma na sumuko na para malinawan ang kaso.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, huli siyang nakausap ni Garma noong Setyembre 6, ngunit mula noon ay hindi na siya makontak. Kung sakaling nasa ibang bansa ito, posibleng dumaan sa extradition ang kaso depende sa pakikipag-ugnayan sa bansang kinaroroonan niya. Samantala, inatasan ng korte sa Mandaluyong na maibalik ang mga warrant of arrest sa loob ng sampung araw.




