
Ang isang 15-anyos na dalagita at ang dalawa nitong pinsan na parehong 20 taong gulang ay natagpuang patay matapos silang pahirapan sa tinaguriang “House of Horrors” sa Argentina. Ang malagim na krimen ay nilivestream sa social media bilang babala mula sa isang drug gang.
Huling nakita sa CCTV ang mga biktima noong Setyembre 19, 9:29 ng gabi, sakay ng isang puting pickup truck. Lumabas sa imbestigasyon na sila ay pinatay 6 hanggang 10 oras matapos ang nasabing oras. Nahanap ng pulisya ang kanilang bangkay bandang alas-3 ng madaling araw, inilibing sa likod ng isang bahay. Dahil sa matinding pagmutila, nakilala sila sa pamamagitan ng mga tatu at damit.
Ayon sa awtoridad, bago pinatay ang dalagita, pinutol ang limang daliri sa kaliwang kamay nito at pinutol din ang isang tainga bago sinaksak ang leeg. Ang isa sa mga biktima ay binugbog sa mukha at binali ang leeg, habang ang isa naman ay pinagsasaksak sa leeg, pinukpok hanggang mamatay, at pagkatapos ay binuksan ang tiyan kahit patay na.
Apat na tao ang naaresto dahil sa krimen. Isa sa kanila, isang babae, ang umamin na kasama siya sa pagpatay ngunit ang lider ng sindikato ng droga at ang kanyang grupo ang tunay na utak. Nakatakas ang lider at patuloy na hinahanap. Ayon sa pulisya, nakipagkaibigan ang mga biktima sa ilang miyembro ng sindikato at pumunta sila sa bahay na iyon sa pag-aakalang may party, ngunit iyon pala ay patibong.
Itinuturong dahilan ng maramihang pagpatay ay ang umano’y pagnanakaw ng droga ng isa sa mga biktima mula sa lider ng gang. Ang lider ay nagplano ng pagpatay at ini-livestream ito upang magsilbing babala. Umabot sa 45 katao ang nakapanood sa Instagram. Sinabi pa ng lider ng gang: “Ganito ang mangyayari sa sinumang magnakaw ng droga sa akin.”




