Ang Shell Mekaniko League 2025 ay matagumpay na nagtapos at nagkorona ng mga bagong kampeon. Sa unang pagkakataon, pinagsama sa iisang kompetisyon ang car at motorcycle mechanics mula sa iba’t ibang panig ng bansa, na may higit 2,000 kalahok mula sa 26 na probinsya.
Mula Marso hanggang Setyembre ginanap ang 20 Shell Advance Masters regional runs para sa motorcycle mechanics at anim na Shell Helix Auto Mekaniko Champions runs para sa car mechanics. Dumaan ang mga kalahok sa Shell-led training at TESDA-certified modules na tumutulong sa paghahanda para sa NC I at NC II certification. Sa semi-finals, sinubok sila sa written exams, parts identification, at live repair challenges na hawig sa totoong sitwasyon.
Sa Grand Finale sa Pasay City, itinanghal na 2025 National Champion si Mark Anthony Calimag ng Quezon City para sa Shell Helix Auto Mekaniko Champions. Samantala, si Charlie Sandoval mula Caloocan City ang kampeon ng Shell Advance Masters. Bawat kampeon ay tumanggap ng ₱200,000 at all-expenses-paid trip sa Malaysia para manood ng MotoGP. Ang mga semi-final winners ay nakakuha rin ng ₱50,000 bawat isa, at ilang top finishers ay nakasama rin sa MotoGP slots.
Ayon sa Shell, ang Mekaniko League ay hindi lamang tungkol sa kompetisyon, kundi nagbibigay din ng training at pagkilala upang maiangat ang kabuhayan at mapaunlad ang kalidad ng industriya. Dagdag pa ng TESDA, ang ganitong programa ay nakakatulong sa propesyonalisasyon ng mga Filipino mechanics at sa kanilang paghahanda sa mas modernong pangangailangan ng automotive sector.
Ang Mekaniko League na sinimulan noong 2024 ay may limang regional runs lamang, ngunit ngayong taon ay lumawak ito bilang isang pambansang programa na kinikilala ang galing at dedikasyon ng mga lokal na mekaniko sa auto at motorcycle service industry.







