
Ang China ay nanawagan sa US at Japan na alisin ang Typhon missile system matapos itong unang ipakita sa Japan sa gitna ng military drills. Ang sandata ay na-deploy na sa Pilipinas noong 2024 at balak bilhin ng Manila para sa dagdag depensa sa dagat.
Ayon sa Japan defense ministry, nagsimula ang Resolute Dragon exercises at tatagal hanggang Setyembre 25. Kinumpirma ng Self-Defense Forces na ipinakita ang sistema ngunit hindi ito gagamitin.
Nagpahayag ng matinding pagtutol ang foreign ministry ng China, at sinabing ang deployment ng Typhon ay nagpapakita ng kawalan ng konsiderasyon sa kanilang solemn concerns. Dagdag pa nila, ang hakbang na ito ay maaaring magdulot ng arms race at mas mataas na panganib ng military confrontation sa rehiyon.
Ang Typhon system ay bahagi ng programa ng US Army para sa long-range strike weapons. Gumagamit ito ng binagong SM-6 at Tomahawk missiles na inilulunsad mula sa lupa. Nauna na itong dinala sa hilagang Pilipinas noong 2024 sa joint drills.
Noong Disyembre, inanunsyo ng Manila ang plano nitong bilhin ang sistema para sa maritime defense, bagay na nagdulot ng galit ng Beijing. Tinatayang aabot sa humigit-kumulang ₱29 bilyon ang halaga ng Typhon system kung sakaling ituloy ang pagbili.