
Ang Bureau of Immigration (BI) ay nag-ulat ng pagkaka-aresto ng dalawang Israeli nationals na umano’y sangkot sa scam operations sa Pilipinas. Nahuli sina Beniashvili Tzahy (30) at Liel Arzi (25) sa Angeles City, Pampanga ngayong buwan.
Nahuli umano ang dalawa habang nagpapatakbo ng workstation na may maraming computer units na konektado sa iba’t ibang trading applications. Lumabas sa imbestigasyon na may working visa si Beniashvili ngunit sa ibang kumpanya siya nakarehistro, habang tourist visa lang ang hawak ni Liel.
Batay sa ulat, sangkot umano ang mga suspek sa BPO-type scam kung saan nag-aalok sila ng pekeng investment mentorship at trading opportunities. Sa huli, nakukuha umano nila ang bank accounts ng kanilang mga biktima.
Ayon pa sa impormasyon, nagpapanggap ang grupo na isang account management office upang makuha ang tiwala ng mga biktima mula sa Canada, Australia, UK, at iba pang bansa.
Kasulukuyan silang nasa kustodiya ng BI habang isinasagawa ang deportation proceedings laban sa kanila.