Ang 22-anyos rider na si Jenny Herona ay namatay matapos pumulupot ang kapote niya sa gulong ng motor at mabangga ng van sa Barangay San Jose, Antipolo City. Nasa biyahe siya para mag-deliver ng dressed chicken bilang sideline upang makatulong sa pag-aaral ng kanyang dalawang kapatid.
Ayon sa imbestigasyon, nawalan ng kontrol si Jenny nang mahila ng kadena ng motor ang suot niyang kapote. Dahil dito, napunta siya sa kabilang lane at hindi na naiwasan ng paparating na van. Bukod dito, may dala rin siyang halos ₱25,000 halaga ng manok na mas lalong nagpaapekto sa balanse ng motor.
Nang dumating ang kanyang ina, duguan at nakabulagta na ang anak sa kalsada. Ani Divina Herona, labis ang sakit dahil matulungin at mabait si Jenny. Pinili nitong magtrabaho muna para masuportahan ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid kaysa ipagpatuloy ang sariling pangarap na makapag-aral.
Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival. Nangako naman ang driver ng van na sasagutin ang lahat ng gastusin sa burol at libing ni Jenny.
Nanawagan ngayon ang pamilya ng tulong para sa pag-aaral ng mga kapatid ng biktima, dahil nag-iisa na lamang ang ina sa kanilang pagtataguyod.