Ang Department of Justice (DOJ) ay naglabas ng subpoena laban kay Charlie “Atong” Ang at mahigit 50 katao kaugnay sa reklamo ng mga pamilya ng nawawalang sabungeros. Ayon kay DOJ Spokesperson Asec. Mico Clavano, nasa 59 hanggang 60 na indibidwal ang ipinatawag para sa preliminary investigation.
Kasama sa ipinatawag si retired Police General Jonnel Estomo, dating hepe ng NCRPO, at 18 pang pulis. Ang mga reklamo ay may kaugnayan sa multiple murder, kidnapping with serious illegal detention, at iba pang kasong kriminal na isinampa noong Agosto 1, 2025.
Matatandaang itinuro ng self-proclaimed whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan sina Ang, tatlong iba pa, at aktres na si Gretchen Barretto bilang mga utak sa pagkawala ng mga sabungeros. Mariing itinanggi ito nina Ang at Barretto. Sa halip, nagsampa si Ang ng kaso laban kay Patidongan dahil sa grave threats, slander, at paninira sa inosenteng tao.
Samantala, iniulat ng DOJ na may natagpuang bagong human remains sa ilalim ng Taal Lake, ang lugar na sinabi ni Patidongan na pinagtapunan umano sa mga sabungeros matapos silang patayin. Isasailalim ito sa DNA testing para malaman kung may koneksyon sa mga nawawala.