
Ang Pangulo ng South Korea na si Lee Jae-myung ay nag-utos ng agarang pagtigil ng pondo para sa isang proyektong imprastruktura sa Pilipinas. Ayon sa kanya, may isyu ng korapsyon at hindi maayos na pamamahala sa planong P28 bilyong proyekto ng tulay.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Lee na ang proyekto ay isang “mapanlinlang na negosyo” at mabuti na hindi pa ito nasisimulan kaya wala pang nagagastos mula sa pondo ng bansa. Idinagdag niya na mahalaga ang naging papel ng media sa pagbubunyag ng katotohanan at pagpigil sa korapsyon.
Layunin ng proyekto na magtayo ng 350 modular bridges sa Luzon, Visayas at Mindanao upang mapadali ang paghatid ng produktong agrikultural ng mga magsasaka. Ngunit ayon sa South Korea, mababa ang tsansa ng tagumpay dahil mahirap pamahalaan ang napakaraming lokasyon.
Nabunyag rin na may lokal na kompanya sa Pilipinas na kasali sa proyekto ang dati nang nasangkot sa mahal na kontrata at mahinang konstruksyon noong nakaraang bridge project. Dahil dito, mas lumakas ang pangamba sa posibleng korapsyon.
Samantala, nilinaw ng Department of Finance na wala pang ganitong P28 bilyong loan na napagkasunduan sa pagitan ng Pilipinas at South Korea. Dagdag nila, nananatiling tapat ang pamahalaan sa transparency at accountability sa lahat ng kasunduan.