
Ang sunog ay sumiklab sa isang residential area sa Barangay Balingasa, Quezon City pasado alas-3 ng madaling araw nitong Huwebes, Setyembre 11, 2025. Umakyat ito sa second alarm bandang 4:12 a.m.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), mahigit 30 firetruck mula sa BFP at mga volunteer ang rumesponde. Idineklarang fire out ang sunog alas-6:29 ng umaga. Isang 27-anyos na lalaki ang nagtamo ng second-degree burn, ngunit wala namang naitalang namatay.
Kabuuang 15 bahay ang tinupok at 49 katao ang naapektuhan. May ilang residente na nakapagsalba ng gamit tulad ng pera at damit, habang ang iba ay wala nang naisalba kundi ang kanilang pamilya.
Pahirapan ang pagresponde dahil masikip ang daan, ayon kay Fire Senior Inspector Bernardo Soriano. Kinailangan ng mga bumbero na maglatag ng hose mula sa labas upang masugpo ang apoy.
Tinatayang aabot sa ₱1.5 milyon ang pinsala. Patuloy pang iniimbestigahan ng BFP ang pinagmulan ng sunog. Nakahanda na rin ang lokal na pamahalaan at DSWD sa pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan.