
Ang tennis star ng Pilipinas na si Alex Eala ay muling makakalaban ang pamilyar na katunggali sa unang round ng Guadalajara 125 Open sa Mexico.
Makakaharap niya ang Arianne Hartono ng Netherlands mula Setyembre 1–6. Si Eala, 20-anyos at kasalukuyang nasa WTA Rank No. 75, ay pasok bilang wild card at ikalawang seed sa torneo, kasunod lamang ni Kamilla Rakhimova ng Russia (Rank No. 65).
Naitala na ni Eala ang tatlong sunod na panalo kontra kay Hartono. Una niya itong tinalo noong 2023 at dalawang beses muli ngayong 2025, kabilang ang huli nilang laban sa Bengaluru, India kung saan nanalo siya ng 6-2, 6-1.
Si Hartono, 29-anyos, ay nasa WTA Rank No. 187 at may 17–22 win-loss record ngayong taon. Ang pinakamataas niyang ranking ay No. 135, samantalang si Eala ay nakarating na sa No. 56 ngayong 2025.
Mula sa US Open, gumawa ng kasaysayan si Eala matapos maging unang Pilipino na nakapanalo ng singles match sa Grand Slam, isang malaking hakbang para sa kanyang career na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso sa kanyang prize money at endorsements.