Ang Bureau of Customs (BOC) ay nagsagawa ng raid sa bahay ng pamilyang Discaya sa Pasig City noong Setyembre 2, 2025. Target ng search warrant ang 12 luxury cars, pero dalawa lang ang kanilang naabutan—isang Land Cruiser at isang Maserati.
Ayon kay BOC Chief of Staff Jek Casipit, dalawang beses silang nagtangkang magsilbi ng search warrant noong gabi ng Lunes ngunit hindi sila pinapasok. Kinabukasan lang sila pinayagan makapasok sa compound.
Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon, inamin ni Sarah Discaya na may 28 luxury cars siya, habang sinabi naman ng asawa niyang si Curlee Discaya na nasa 40 luxury cars ang kanilang pag-aari. Sakop ng warrant ang mga sasakyan tulad ng Cadillac Esplanade, Rolls-Royce Cullinan, Bentley Bentayga, Mercedes-Benz, Toyota Tundra, Toyota Sequoia at Lincoln Navigator na wala umanong import records sa BOC.
Paliwanag ng BOC, kung may maipakitang dokumento ang pamilya Discaya na nagpapatunay na nabayaran ang buwis at duties ng mga sasakyan, hindi ito kukumpiskahin. Pero kung wala, may 15 araw silang ibinigay para magsumite ng papeles.
Nakipag-ugnayan na rin ang BOC sa PNP-Highway Patrol Group para hanapin ang iba pang luxury cars ng pamilya. Ang halaga ng mga sasakyang ito ay posibleng umabot sa daan-daang milyong piso.