
Ang PAGCOR database na naglalaman ng 500,000 pangalan ng mga taong bawal pumasok at maglaro sa casino ay na-hack. Ayon kay Alejandro Tengco, chairman at CEO ng PAGCOR, ang insidente ay natuklasan kahapon ng hapon at posibleng nanggaling sa isa sa mga licensed casino.
Kabilang sa listahan ang mga taong kusang nagpaban, o hiningi ng kanilang pamilya, dahil sa problema sa sugal. Nasa talaan din ang ilang opisyal ng gobyerno, na malinaw na ipinagbabawal ng batas na pumasok at maglaro sa mga casino sa Pilipinas.
Tiniyak ni Tengco na iniimbestigahan nila ang posibleng pinagmulan ng leak at humiling siya sa lahat ng casino na magbigay ng larawan at records ng mga nakarehistro gamit ang alias o pekeng pangalan.
Sa pagdinig, lumabas na ilang engineer mula DPWH ay nabigyan ng VIP ID ng casino, na ginamit para makapasok at magsugal kahit bawal. Sinabi ni Tengco na malinaw ang Presidential Decree na nagsasabing walang empleyado o opisyal ng gobyerno ang maaaring pumasok sa casino.
Dagdag pa niya, pati ang mga elected officials ay isasama sa imbestigasyon upang masiguro na mahigpit na naipapatupad ang batas.