Ang bawat Pilipino ay may utang na P142,000 dahil sa kabuuang P17 trilyong utang ng bansa, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian sa pagdinig ng pambansang badyet para sa 2026. Aniya, ang halagang ito ay katumbas ng halos 80% ng gastusin kada pamilya. Dagdag pa niya, mas lumaki na ang utang kaysa sa ekonomiya simula 2023 dahil sa mga pandaigdigang isyu gaya ng giyera sa Ukraine.
Paliwanag ni Gatchalian, mas marami na ngayong napupunta sa bayad-interes kaysa sa mga pangunahing pangangailangan. Binalaan din niya na kung hindi makokontrol ang utang, matatapos ang termino ni Pangulong Marcos Jr. na may pinakamataas na naitalang utang kumpara sa ibang administrasyon.
Ngunit ayon kay Kalihim Ralph Recto ng Kagawaran ng Pananalapi, maaaring tingnan ito sa ibang anggulo. Aniya, 70% ng utang ay utang sa sarili ng mga Pilipino dahil nakalagay ito sa GSIS, SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG. Kaya’t sa isang banda, ito ay maituturing ding ipon o asset ng taumbayan.
Dagdag pa ni Recto, hindi tumataas ang debt-to-GDP ratio. Noong 2022, nasa 62.1% ito at ngayong taon ay nasa 61.8%, ibig sabihin halos pareho lang. Ipinaliwanag din niya na mas maliit ang inutang ni Pangulong Marcos Jr. kumpara sa naunang administrasyon.
Binigyang-diin ni Gatchalian na iba ang sitwasyon ng nakaraang gobyerno dahil kinailangang humiram ng malaki para sa laban kontra COVID-19 pandemic. Ngunit giit ni Recto, kung masama ang kalagayan ng ekonomiya, hindi sana nakatanggap ang bansa ng credit rating upgrade mula sa mga international agencies.