
Ang bagong kalihim ng DPWH na si Vince Dizon ay nag-utos ng habambuhay na ban sa mga contractor na sangkot sa ghost projects. Sa kanyang unang press briefing, sinabi niyang nakita niya mismo ang mga proyektong ito kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ipinaliwanag ni Dizon na kapag napatunayang ghost project ang isang kontrata, awtomatikong blacklisted ang contractor nang walang karagdagang proseso. Giit niya, hindi na bibigyan ng panibagong pagkakataon ang mga mapapatunayang sangkot.
Kasabay nito, nangako rin siya ng reforma sa DPWH at makikipagtulungan sa planong independent commission ni Marcos na tututok sa katiwalian sa mga flood control projects.
Bukod sa DPWH, sinabi ni Dizon na kailangan ding ayusin ang Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), na may hawak sa akreditasyon ng mga contractor. May mga ulat na ang akreditasyon ay naibebenta umano sa halagang ₱2,000,000.
Tinukoy na rin ang ilang contractor na sangkot, kabilang ang St. Timothy Construction Corp. na konektado sa isang kilalang pamilya. Paliwanag ni Dizon, responsibilidad ng PCAB na maging mas masigasig para maiwasan ang pagbalik ng mga blacklisted contractors gamit ang bagong pangalan.