Ang pamamaril sa karagatan ng Tapul, Sulu ay nagresulta sa pagkamatay ng tatlong mangingisda noong Sabado. Isa ang nakatakas, habang isa pa ay nawawala hanggang ngayon.
Kinilala ang mga napatay na sina Esmael Mohammad, Gerald Mohammad, at Oscar Arpa mula Palimbang, Sultan Kudarat. Ang kanilang kasama na si Muktar Mohammad ay nakaligtas matapos magtago sa likod ng mga kahon ng isda at lambat. Patuloy pa ring hinahanap ang isa pang mangingisdang si John Mohammad.
Natagpuan ng Maritime Police ang mga bangkay malapit sa baybayin ng Barangay Sulari sa Parang, Sulu. Naganap ang pamamaril habang naglalayag ang grupo sa bahagi ng Barangay Kabignaan, Tapul, nang biglang umatake ang mga lalaki sakay ng junkong o Malaysian-style na bangka.
Isinasagawa ngayon ang search and rescue operation para mahanap ang nawawalang mangingisda at matukoy ang mga salarin sa insidente.