
Ang mga manggagawa ay nanawagan kay Pangulong Marcos na hindi lang lifestyle check ang dapat ipatupad sa mga opisyal ng gobyerno, kundi isulong din ang anti-dynasty law para tuluyang masugpo ang korapsyon.
Ayon kay Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW), makakatulong ang lifestyle check pero isa lamang itong pansamantalang solusyon kung patuloy pa rin ang pamamayani ng political dynasties.
“Lifestyle checks ay mabuti, pero hindi sapat. Ang political dynasty ay nagiging ugat ng korapsyon dahil parang negosyo ng pamilya ang posisyon sa gobyerno,” ani Matula. Dagdag pa niya, kung nais talagang masugpo ang problema, kailangan nang wakasan ang mga dynasties sa pamamagitan ng malinaw na batas.
Binigyang-diin pa ni Matula na patuloy na hawak ng mga political clan ang Kongreso at mga lokal na pamahalaan habang nananatili ang kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, at korapsyon.
Kasabay nito, nanawagan ang iba’t ibang grupo ng manggagawa na magtatag ng independent commission para imbestigahan ang katiwalian, lalo na sa mga proyekto tulad ng imprastraktura at flood control na umaabot ng bilyong piso ang pondo.