
Ang totoo, napapagod na ako. Mahal ko pa rin siya, pero hindi ko na alam kung sapat pa ang pagmamahal na ‘yon para ipagpatuloy ang relasyon namin. Noong una, masaya kami, pero unti-unting naging toxic dahil pareho kaming nagkamali. Aaminin ko, naghanap ako ng attention sa ibang lalaki noon, kasi pakiramdam ko kulang na kulang ako sa oras at pagmamahal na galing sa kanya. Pinatawad niya ako, pero mula noon, parang lagi na lang siyang may hawak laban sa akin.
Ang hirap kasi… kapag kasama ang barkada niya, nagagawa niyang maglaan ng oras. Lagi silang nagiinom, nagra-rides, at halos lahat ng barkada may kasamang partner—pero ako, iniiwan lang. Hindi niya ako sinasama, at parang wala akong lugar sa mundo niya. Mas masakit pa, hindi niya ako ipinakilala sa family at friends niya. Para bang secret lang ako sa buhay niya. Sa trabaho ko, kayod araw-araw, pero kapag sa kanya na, parang wala akong halaga.
Aaminin ko ulit—nag-seek ako ng attention sa iba, pero sa huli, siya pa rin ang mahal ko. Kaya nga tinanggap ko na kahit paulit-ulit niyang ibinabalik ang mali ko tuwing may away kami. Lagi niyang ginagamit laban sa akin ang pagkakamali ko para makuha ang gusto niya. Kahit ipaliwanag ko na hindi ko na gagawin ulit, hindi niya pinapakinggan. Kaya pakiramdam ko, ako lang ang laging mali at ako lang ang laging kulang.
Ngayon, nalilito ako. Lalaban pa ba ako o susuko na lang? Mahal ko siya, pero minsan napapaisip ako kung mahal pa ba talaga niya ako. Kung pinatawad niya ako, bakit parang wala pa rin siyang tiwala at respeto sa akin? Bakit parang ginagamit lang niya ako kapag convenient? Ang sakit isipin na baka ako na lang ang kumakapit habang siya, unti-unti nang bumibitaw.
Pinakamahirap pa, hindi na siya nagpapaalam sa ginagawa niya. Para bang wala siyang pakialam sa nararamdaman ko. Nakikita kong nawawala na ang respeto sa relasyon namin, at kahit anong effort ko, parang hindi na sapat. Mahal ko siya, pero baka hindi na tama na mahalin ko pa siya kung kapalit nito ay sakit at pagod.
Salamat sa pagbabasa. Hindi ko ito masabi sa kahit kanino, kaya dito ko na lang ibinuhos. Sana balang araw, makita ko rin ang halaga ko, kahit hindi sa kanya. 😢