
Ang isang 53-anyos na turistang Pilipino ay namatay habang sakay ng Frozen Ever After ride sa Hong Kong Disneyland. Nangyari ito bandang alas-10 ng umaga noong Biyernes, kung saan bigla siyang nawalan ng malay at bumagsak.
Agad siyang dinala para sa atensyong medikal ngunit idin-eklara na patay pagsapit ng alas-11:30 ng umaga.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nakipag-ugnayan ang Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong sa mga pulis at sa pamilya ng biktima upang magbigay ng pakikiramay at tulong sa pag-uwi ng labi.
Patuloy ang koordinasyon ng konsulado sa mga lokal na awtoridad habang iginiit ang pagrespeto sa privacy ng pamilya sa panahong ito ng pagdadalamhati.
Dahil sa insidente, pansamantalang isinara ng theme park ang Frozen Ever After ride mula Agosto 31 hanggang Setyembre 19 bilang bahagi ng kanilang operational adjustments.