Ang bangkay ng 8-anyos na batang babae na tinangay ng baha sa Taytay, Rizal ay natagpuan na pasado 7:45 ng umaga sa Barangay Sta. Ana nitong Biyernes.
Ayon sa ulat, nahulog ang bata sa kanal na katabi ng sapa sa bahagi ng Pag-asa Street noong Miyerkoles ng gabi, bandang alas-6. Inanod siya ng malakas na agos ng tubig.
Matapos ang pansamantalang paghinto, muling nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Taytay MDRRMO kasama ang Philippine Coast Guard noong Huwebes ng umaga.
Gayunpaman, itinigil ang operasyon noong Huwebes ng gabi, pero muli itong ipinagpatuloy kinabukasan hanggang matagpuan ang katawan ng bata.
Ang insidente ay nagdulot ng matinding lungkot sa komunidad lalo na’t maraming residente ang apektado rin ng pagtaas ng tubig sa iba’t ibang lugar sa Rizal.