
Ang 19 estudyante ng criminology sa Kidapawan ay nagtamo ng skin burns matapos sa umano’y hazing noong Agosto 23, 2025. Ang insidente nangyari sa isang pampublikong paaralan sa Barangay Kalaisan kung saan halos 100 estudyante ang sumailalim sa reception rites bago ang kanilang internship.
Ayon sa pulisya, may pitong istasyon ng physical activities tulad ng jumping jacks at push-ups. Ngunit lihim na nagtago ng kemikal ang ilang senior students at ginamit ito sa mga interns. Sinabuyan umano sila ng halo ng battery solution, suka, at sili na naging sanhi ng paso.
Ang dean ng kolehiyo, si Dr. Rolando Poblador, agad na pinatigil ang aktibidad nang malaman ang nangyari at tiniyak na nabigyan ng unang lunas ang mga biktima. Pinayuhan din ang mga estudyante na magpa-medical check-up para masuri nang maayos ang kondisyon nila.
Nakilala na ang 5 suspek na dating kaklase ng mga interns. Posibleng humarap sila sa kaso sa ilalim ng Anti-Hazing Law. Tinitingnan din kung may kakulangan ang paaralan sa pagbabantay ng aktibidad.
Nakipagpulong na si Poblador sa mga magulang ng mga biktima at nangakong hindi na mauulit ang ganitong insidente. Samantala, ang Commission on Human Rights (CHR) ay nakahandang tumulong sa mga pamilya at magsagawa ng sariling imbestigasyon.