
Ang gusto ko lang ay mailabas ang bigat sa dibdib ko. May live-in partner (LIP) ako na limang taon ko nang kasama. Noong nakaraang Nobyembre, nagpa-urinalysis ako dahil nag-aalala ako sa kidney ko. Salamat sa Diyos, maayos naman ang resulta kaya gumaan ang loob ko.
Pero nitong Hunyo, nagpa-urinalysis ulit ako dahil may libre sa trabaho namin. Nagulat ako nang lumabas ang resulta—positive ako sa t.vaginalysis o STD. Halos gumuho ang mundo ko kasi wala naman akong ibang ka-s3x kundi ang LIP ko. Kaya ang unang pumasok sa isip ko, baka siya ang nahawa sa iba at naipasa niya sa akin. Nang sabihin ko ito sa kanya, todo deny siya. Sabi niya hindi raw siya nakipag-s3x sa iba.
Pero hanggang ngayon, kahit ilang beses ko siyang kinumpronta, dinideny pa rin niya. Ako, nagpa-check-up agad at uminom ng gamot dahil yun ang payo ng doktor. Sabi ng doktor, gagaling naman ako pero babalik ulit ang STD kapag nakipag-s3x ako ulit sa kanya kung hindi rin siya magpagamot. Ang problema, ayaw niya magpa-check-up at ayaw rin niyang uminom ng gamot. Sinasabi niya wala raw siyang sakit at hindi raw siya nanloko.
Kaya ngayon, litong-lito ako. Gusto ko siyang paniwalaan kasi mahal ko siya, pero paano kung totoo na siya ang nagdala ng sakit na ito? Wala naman akong ibang karelasyon. Siya lang ang tanging lalaking nakakasama ko sa kama. Kung hindi siya ang pinagmulan, saan pa ito nanggaling? Kahit ang doktor nagsabi na sa ₱2,500 hanggang ₱5,000 ang halaga ng gamutan at dapat pareho kaming magpagamot, kasi kung ako lang ang iinom ng gamot, wala ring kwenta—mahahawa at mahahawa ulit ako.
Ang bigat isipin na baka niloko niya ako at hindi lang niya kayang aminin. Hindi ko alam kung dapat ko pa siyang pagkatiwalaan o kung kailangan ko nang bitawan ang relasyon namin. Masakit kasi limang taon naming pinagsamahan, tapos ganito lang matatapos. Pero mas mahirap kung paulit-ulit lang akong magdurusa dahil sa sakit na hindi ko naman kasalanan.