Ang dalawang lalaki sa Aceh, Indonesia ay pinalo ng tig-76 beses sa publiko matapos silang mahuli at mapatunayang nagkaroon ng gay sex sa ilalim ng batas sharia. Ang probinsya ay kilala bilang tanging lugar sa bansa na nagpapatupad ng ganitong batas.
Ang dalawa ay parte ng sampung katao na pinarusahan sa isang parke sa Banda Aceh. Gumamit ng pamalo na gawa sa rattan ang awtoridad habang pinapanood ng mga tao. Una silang sinentensyahan ng tig-80 palo ngunit nabawasan ng apat dahil sa apat na buwang pagkakakulong.
Ang mga lalaki ay nahuli noong Abril matapos silang makita sa pampublikong palikuran sa parehong parke. Ayon sa hepe ng pulisya sa batas sharia, isang residente ang nag-report ng kahina-hinalang kilos ng dalawa bago sila arestuhin.
Bukod sa kanila, tatlong babae at limang lalaki ang pinalo rin dahil sa iba’t ibang kaso gaya ng pakikipagtalik bago ang kasal, pagiging magkalapit ng hindi mag-asawa, at online gambling. Sa Aceh, karaniwang parusa ang caning o pamalo para sa mga kaso tulad ng pag-inom ng alak at pangangalunya.
Ang pagpapatupad ng sharia law ay sinimulan noong 2001 nang bigyan ng espesyal na awtonomiya ang rehiyon. Marami pa ring lokal ang sumusuporta sa pamalo bilang parusa sa mga lumalabag sa batas.