
Ang TikTok ay huminto sa paglalabas ng real money gambling ads sa Pilipinas simula ngayon, Agosto 22. Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), ito ay malaking hakbang para gawing mas ligtas ang internet para sa mga Pilipino.
Ayon sa TikTok, ang kanilang patakaran sa ads ay nakatuon para protektahan ang mga gumagamit. Bago payagan ang gambling ads, dapat may tamang lisensya at ipapakita lamang sa mga edad 25 pataas. Para naman sa social casino games na walang totoong pera, bawal sa mas bata sa 18 taong gulang.
Sa ngayon, ipinahinto muna ng TikTok ang lahat ng real money gambling ads habang hinihintay ang malinaw na gabay mula sa mga awtoridad sa Pilipinas.
Samantala, sinabi ni Rep. Leila de Lima na ang tanging epektibong paraan para labanan ang masamang epekto ng online gambling ay isang total ban. Aniya, kahit legal o ilegal, nakakaadik ito at sumisira ng pamilya at kinabukasan ng maraming Pilipino.
Pumayag din ang PAGCOR na maraming Pilipino ang hindi alam ang pagkakaiba ng legal at ilegal na sugal. Dahil dito, nanawagan si De Lima na humanap ang gobyerno ng ibang pagkukunan ng pondo na hindi sisira sa mental health, pamilya, at moralidad ng mga Pilipino.