Ang isang traffic enforcer sa Kawit, Cavite ay napilitang kumapit sa hood ng kotse matapos hindi huminto ang isang babaeng driver na sangkot sa minor na banggaan ng motorsiklo.
Kinilala ang enforcer na si Michael Trajico, na sinubukan pigilan ang sasakyan matapos ang insidente. Ngunit imbes na sumunod, nagpatuloy ang driver at pinabilis pa ang takbo. Dahil dito, napilitang kumapit si Trajico sa harap ng kotse para makaiwas sa pinsala.
Umabot ng 10 hanggang 15 minuto ang pagtakbo ng kotse sa kalsada habang nakakapit si Trajico sa hood, hanggang makarating sila sa bahay ng driver sa Barangay Wakas II. Ayon sa kanya, hindi siya pinansin ng babae kahit paulit-ulit na siyang pinapara, at kahit ang sariling ina ng driver ay nagsabi na huminto siya.
Pagdating sa bahay, nagalit pa umano ang driver, nagmura, at sinabing magsampa na lang ng kaso. Dahil dito, nagsampa si Trajico ng reklamo ng direct assault laban sa kanya.
Patuloy pang hinihintay ang opisyal na pahayag mula sa pulisya, habang kinukuha ang panig ng driver.