
Ang dalawang umano’y gun-for-hire ay patay matapos makipagbarilan sa mga pulis sa isang buy-bust operation sa Maharlika Highway, Brgy. Sumilang, Calauag, Quezon nitong Huwebes ng hapon.
Ayon sa pulisya, ang mga suspek ay sangkot sa mga kaso ng pamamaril sa Sariaya, Candelaria, Tiaong, at Lucena City. Pinaniniwalaan silang miyembro ng isang gun-for-hire group.
Nagkaroon ng operasyon bandang alas-3:10 ng hapon sa isang gas station sa Brgy. Sta. Maria, Calauag. Nang matunugan ng mga suspek ang operasyon, mabilis silang tumakas patungo sa bayan ng Tagkawayan.
Naglagay ng checkpoint ang mga pulis sa daraanan ng mga suspek. Paglapit ng mga ito, agad nilang pinutukan ang mga pulis na gumanti rin ng putok. Nagkaroon ng hot pursuit at tuloy-tuloy na palitan ng putok na humantong sa pagkamatay ng dalawang suspek.
Wala namang nasaktan sa panig ng pulisya at mga sibilyan na nasa paligid ng engkwentro.