
Ang kwento ko ay tungkol sa relasyon namin ng partner ko. Ako ay 25 years old at siya naman ay 32 years old. Nasa 6 years na kaming relasyon, at sa loob ng mga taon na iyon, akala ko kilalang-kilala ko na siya. Pero nitong mga huling buwan, may mga bagay akong napapansin na hindi ko alam kung paano ko haharapin.
Tuwing magkasama kami at lalo na kapag nagiging intimate kami, lagi siyang may hawak na cellphone. Hindi ko iyon gaanong pinansin noong una, iniisip ko baka may trabaho lang o may importanteng kausap. Pero habang tumatagal, mas napapansin ko na tuwing ilalapag niya ang cellphone, agad niyang sinasara yung app na gamit niya. Kapag ako naman ang nakakahawak ng phone niya, lagi itong naka-mute, walang tunog, walang bakas ng kahit anong activity—laging malinis.
Doon ko naisip, baka nanonood siya ng bold. Mas naging klaro ito sa akin nang malaman kong nagbe-beerhouse pala siya kasama ang mga officemates niya. Doon ko naramdaman na may pagbabago na sa ugali niya. Noon, sweet at maalaga siya, pero bigla na lang naging mailap, parang may iniisip palagi, at hindi na kagaya ng dati.
Grabe, nakakabastos. Iniisip ko, paano niya nagagawang makipag-sex sa akin habang ini-imagine ang ibang babae? Para akong hindi siya ang kasama. Para akong wala sa harap niya. Ang sakit isipin na habang ibinibigay ko ang sarili ko nang buo, ang utak niya ay lumilipad sa ibang babae.
Alam ko, sinasabi ng iba na normal lang daw sa lalaki ang manood ng ganyan. Oo, naiintindihan ko, pero iba yung sitwasyon kapag ginagawa niya iyon habang magkasama kami. Habang hawak niya ako. Habang buong puso kong ibinibigay ang sarili ko. Para sa akin, hindi iyon normal. Disrespectful iyon. Hindi iyon pagmamahal.
Ngayon, pakiramdam ko marumi, gamit, at invisible. Parang hindi niya ako nakikita bilang partner niya. Parang kahit anong effort ko, hindi sapat. Ang mas masakit, sa tuwing nakikita ko siyang may hawak na cellphone, hindi ko na alam kung ako pa ba ang laman ng isip niya—o ibang babae na naman.
Minsan naiisip ko, dapat ba akong magalit? Dapat ba akong umalis? O baka dapat ko siyang kausapin nang diretsuhan? Pero sa totoo lang, ang hirap. Mahal ko siya, pero mahal pa ba niya ako kung ganito ang ginagawa niya?