
Ang totoo, hindi ko inakala na mangyayari ito. May masaya na akong pamilya ngayon—may asawa at apat na anak. Akala ko kumpleto na ang buhay ko, kontento na ako. Labindalawang taon na mula nang maghiwalay kami ng ex ko. Noon, naghiwalay lang kami sa text, kasi hindi siya magkasundo ng ate niya. Hindi rin siya nag-asawa o nagka-GF. Ako naman, natuto na ring mag-move on.
Pero nitong taon, bigla siyang bumalik. Wala pa rin siyang ibang kasama sa buhay, at doon ko lang nalaman kung gaano kabigat ang dinadala niya. Noong pandemya, bumalik din kami sa probinsya at nagpatuloy ng tahimik na buhay. Akala ko tuluyan na siyang wala sa eksena, hanggang isang gabi, kumatok ang tatay niya at hinanap ako. Nagtaka ang asawa ko kung bakit ganoong oras, pero sumama pa rin siya sa akin.
Pagdating namin, nakita ko siya. Payat, sobrang maputla—halos hindi ko na siya makilala. Nang makita niya ako, tinawag niya ako ng “Mahal.” Para akong tinamaan sa dibdib. Naramdaman ko na matagal pa rin niya akong iniisip. Hinawakan niya ang kamay ko, at sa harap ng asawa ko, sinabi niya, “Wala akong minahal na iba maliban sa’yo. Kaya ako umuwi, para magpaalam at magpahinga.” Para akong nadurog. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko—nahihiya ako sa asawa ko, pero naaawa ako sa ex ko.
Doon ako napaiyak nang tuluyan. Humagulhol siya at sinabing, “Masaya na ako kasi masaya ka at mahal ka ng asawa mo.” Ramdam ko yung bigat ng puso niya pero may kasamang ginhawa. Yumakap siya sa akin habang umiiyak, at doon ko lang naramdaman kung gaano kalalim ang pagmamahal niya na hindi niya nagawang ipakita sa loob ng 12 taon.
Pagkatapos noon, nalaman ko na matagal pala siyang nagpakalunod sa alak, hindi kumakain, para lang makalimot. Dalawang araw matapos ang huling usapan namin, tuluyan na siyang pumanaw. Ang sakit. Ang daming “what ifs” na pumasok sa isip ko—paano kung hindi kami naghiwalay noon? Paano kung hindi siya bumigay sa problema niya? Pero kahit papaano, nakahinga ako nang malaman kong bago siya mawala, nagkausap kami at nagkapatawaran.
Bago siya pumikit, nag-sorry rin siya sa ate niya, at nagkaayos pa sila. Ang asawa ko, nakausap din niya. Kaya kahit masakit, nakahanap din ako ng konting kapayapaan—dahil alam kong sa huli, nakalaya na siya sa bigat ng loob niya.
Ang huling alaala niya sa akin ay puno ng luha, pero may kapatawaran at pagmamahal na hindi nawala kahit lumipas ang 12 taon.