Ang isang 29-anyos na TNVS driver na kinilalang si Julian Ceazar Payoyo ay ligtas matapos umanong saksakin at bugbugin ng pekeng pasahero sa tangkang carnapping sa Macabebe, Pampanga nitong Huwebes.
Ayon sa pulisya, sinundo ng biktima ang dalawang suspek sa Taytay, Rizal matapos mag-book ng biyahe papuntang Pampanga pasado alas-dos ng madaling-araw. Pagsapit sa Brgy. Consuelo, Macabebe, bigla siyang sinaksak sa likod at binugbog gamit ang baril.
Habang hawak pa rin ng baril, nagawa ng driver na idiretso ang sasakyan sa isang poste ng kuryente upang makahingi ng tulong. Dahil dito, napansin siya ng mga residente at barangay officials.
Tumakas ang mga suspek at nagtago sa damuhan pero agad silang natunton ng mga residente at isinumbong sa Army detachment. Narekober sa kanila ang isang replica pistol at granada.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek at nahaharap sa kasong carnapping at frustrated homicide. Sagot naman ng lokal na pamahalaan ang gastos sa ospital ng biktima na patuloy na nagpapagaling.