Ang Commission on Audit (COA) inutos ang fraud audit sa mga flood control projects sa Bulacan. Hakbang ito ng gobyerno para papanagutin ang mga responsable sa mga proyektong pumalpak laban sa baha.
Ayon kay COA Chairperson Gamaliel A. Cordoba, sumusunod ito sa direktiba ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. na imbestigahan ang umano’y iregularidad sa programa ng gobyerno. Sa memorandum, binigyang-diin na dahil sa seryosong isyu sa pagpapatupad ng mga proyekto sa Bulacan, agarang kailangan ang fraud audit.
Sakop ng audit ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan na madalas bahain, kung saan umabot sa ₱44 bilyon ang inilaan. Ito ang pinakamalaking bahagi ng pondo sa buong Region 3, o 45% ng kabuuang pondo.
Sa kabuuan, nakatanggap ang Central Luzon ng ₱98 bilyon mula Hulyo 1, 2022 hanggang Mayo 30, 2025, katumbas ng 18% ng ₱548 bilyon na pondo para sa flood control projects sa bansa. Inutusan ni Cordoba ang lahat ng auditors na isumite agad ang mga dokumento para sa fraud audit.
Nang bumisita si Pangulo sa Calumpit, Bulacan, nakita niya ang isang proyekto sa ilog na idineklarang tapos ngunit hindi pa pala kumpleto, kaya lalong pinatindi ang kahalagahan ng imbestigasyon.