
Ang PAGCOR ay kumita ng halos ₱111.72 bilyon noong 2024, mas mataas ng 40% kumpara noong 2023. Mahigit ₱68.20 bilyon dito ang inilaan para sa nation-building projects, habang halos ₱23.14 bilyon naman ay napunta sa PhilHealth para sa universal healthcare at dagdag benepisyo sa mga pasyente.
Kasama rin sa pondo ang suporta sa zero-balance billing policy ng mga ospital ng DOH. Ayon sa batas, kalahati ng kita ng PAGCOR ay diretsong napupunta sa gobyerno kada buwan sa pamamagitan ng Bureau of Treasury.
Bukod dito, umabot sa ₱12.375 bilyon ang inilaan sa socio-civic projects tulad ng mga water system, livelihood programs, at tulong sa mga nasalanta ng bagyo. Noong 2024, gumastos sila ng mahigit ₱324.6 milyon para sa relief operations at halos ₱136 milyon para sa mga naapektuhan ng malalakas na ulan at bagyo noong 2025.
Para sa 2025, naitala na ang ₱59.06 bilyon na kita sa unang kalahati ng taon. Mula rito, ₱38.10 bilyon ang inilaan sa proyekto ng gobyerno kabilang ang planong paggawa ng 1,200 classrooms, 200 e-learning centers, at 100 wellness centers sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ngunit, ilang mambabatas ang nagbabala laban sa sobrang pag-asa sa kita mula sa online gambling. Bagama’t kalahati ng kabuuang kita ng PAGCOR ngayong taon ay mula rito, binigyang-diin na hindi dapat kapalit ng pagkasira ng pamilya at kabataan ang malaking kita. Target ng PAGCOR na kumita ng halos ₱116.65 bilyon sa pagtatapos ng 2025.