Ang isang video ng aso na nakaupo sa baby high chair habang kumakain ang amo sa fast food restaurant ay naging viral at umani ng batikos online.
Ayon sa uploader ng video, hindi lang ito pinaupo sa high chair, pinainom pa umano sa baso na ginagamit ng mga customer. “Nakakadiri pa, pinapainom sa baso. Paano kung may rabies ang aso at hindi nahugasan ng maayos, paano na?” sabi ng uploader. Makikita rin sa video ang baso na nasa sahig pagkatapos gamitin.
Maraming netizens ang nag-react at nagsabing hindi dapat gamitin ang gamit ng tao para sa aso. “Bakit pinaupo sa high chair? Kung may dala kayong aso, dapat may sarili silang stroller. Baka may allergy o asthma ang susunod na uupo,” sabi ng isang komento. Isa pang user ang nagdagdag, “Dapat may sariling gamit ang pets kung responsable kang pet owner.”
May ilan ding nagpahayag ng concern para sa mga bata. “May mga babies na pwedeng magkaroon ng severe allergic reaction. Lalo na at hindi pa developed ang immune system nila,” sabi ng isa.
Nagbigay paalala ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa pet owners na maging responsable sa public spaces. “Ang paggamit ng mga lugar na para sa tao ay may health risks sa mga bata at pwedeng makasira sa tiwala ng publiko sa pet-friendly environments,” ayon sa pahayag.