
Ang pondo para sa flood control projects sa 2026 ay binawasan ng halos ₱72 bilyon, mula ₱346.6 bilyon ngayong taon pababa sa ₱274.9 bilyon, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Budget Secretary Amenah Pangandaman sinabi na patuloy ang pag-review sa proposed budget at maaaring madagdagan ito kung malinaw ang mga proyekto at may maayos na plano. “Posible pa ring maging kapareho ng dati kung kailangan,” paliwanag niya matapos ang inspeksyon sa Apalit-Macabebe Road sa Pampanga na halos dalawang linggo nang baha dahil sa tatlong bagyo at malakas na ulan noong Hulyo.
Apalit Mayor Oscar Tetangco inulit ang problema sa kalsada na nai-report na nila sa Malacañang noong 2023, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ang proyekto. Bilang tugon, iniutos ni Pangandaman ang pag-realign ng pondo mula sa mga natapos na proyekto para mapondohan ang pagsasaayos ng nasabing kalsada.
Ipinaliwanag ng DBM na mas mababa ang proposed budget ng DPWH sa 2026 kumpara sa nakaraang taon dahil mataas na ang pondo nito ngayong taon na umabot sa ₱1.09 trilyon. Dagdag ni Pangandaman, kailangang matapos muna ang maraming proyekto bago magdagdag ng bagong pondo.
Samantala, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang ₱6.793 trilyong national budget para sa 2026, mas mataas ng 7.4% kumpara ngayong taon. Ayon sa Pangulo, mahalaga ang tamang paggamit ng pondo at ang pagbabalik ng pondo para sa foreign-assisted projects upang mapanatili ang magandang reputasyon ng bansa. Senate finance chair Sherwin Gatchalian naman ay nangako ng “golden age of transparency,” kung saan ilalathala ang buong proseso ng budget para makita ng publiko.