Ang katawan ng Fil-Am camper na si James Ashley Bawayan ay natagpuan ilang araw matapos siyang tangayin ng malakas na agos sa Kern River sa San Joaquin Valley, California. Ayon sa mga awtoridad, nakita ang bangkay malapit sa Hobo Campground at kasalukuyang isinasagawa ang autopsy para malaman ang sanhi ng pagkamatay.
Si Bawayan, 36 anyos mula Chino Hills, ay tumalon mula sa isang bato papasok sa ilog noong Hulyo 12 habang nagkakamping kasama ang pamilya at mga kaibigan. Ayon sa pinsan niyang si Karla Bacayan, taon-taon nilang binabalikan ang lugar na iyon para magbakasyon.
“Palagi siyang tumatalon sa parehong lugar, at kadalasan bumabalik siya sa campsite lagoon. Sa kasamaang-palad, ngayon ay tinangay siya ng agos at hindi na nakabalik,” sabi ni Bacayan.
Maraming kaibigan, pamilya, at katrabaho ni Bawayan ang nagtulong-tulong sa search and rescue operation na kalaunan ay naging recovery mission matapos lumipas ang ilang araw na hindi siya makita.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad na napakadelikado ng ilog sa panahon ng tag-init dahil sa malakas na agos. Ayon sa datos, average na anim hanggang pitong tao ang namamatay bawat taon sa Kern River sa nakalipas na sampung taon.