
Ang National Bureau of Investigation (NBI) ay nagkumpirma na isang Chinese national na nagpanggap bilang Pilipino ang kanilang hinuli sa paliparan noong Hulyo 13. Kinilala siya bilang Wang Xiujun, matapos magpanggap gamit ang pangalang Casia Palma Poliquit at magpakita ng kumpletong Philippine documents gaya ng passport, birth certificate, at Special Investor’s Resident Visa (SIRV).
Ang imbestigasyon ng NBI ay nagpakita na nagkaroon ng misrepresentation at pagkubli ng tunay na pagkakakilanlan. Ayon sa NBI Cavite District Office, nagsampa na sila ng kaso laban sa suspek. Sa tulong ng fingerprint verification mula sa BOI, DFA, at lumang NBI clearance records, nalaman na ang fingerprint ni Casia ay kapareho ng fingerprint ng isang taong nag-apply bilang Wang Xiujun noong 2021.
Ipinakita pa ng NBI ang enlarged fingerprint images na nagpapatunay ng pagkakatugma. Ayon kay Dr. Alfredo Kahanding ng NBI Dactyloscopy Division, "Isang fingerprint lang ang kailangan para makilala ang tao."
Ayon kay NBI Regional Director Ferdinand Lavin, ito ay isa na namang "Alice Guo-like" na kaso kung saan isang Chinese national ang nagkunwaring Pilipino. Idinagdag pa niya na nahaharap si Wang sa mga kasong paglabag sa Immigration Law tulad ng misrepresentation, paglabag sa kondisyon ng pananatili, at pagiging undesirable alien.
Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek nang subukan siyang kapanayamin ng media.