Ang isang dating pulis ay napatay matapos pagbabarilin sa loob ng isang sabungan sa Albuera, Leyte nitong Linggo ng hapon.
Ayon sa Albuera police, ang biktima ay 47-anyos, isang negosyante at dating pulis na nakatira sa Barangay Bagong Buhay. Sa inisyal na imbestigasyon, habang may ginaganap na sabong, pinaputukan siya ng baril ng isang hindi pa nakikilalang salarin.
Dahil sa sunod-sunod na putok, nagtakbuhan ang mga tao sa loob ng sabungan. Pagkatapos nito, nakita na lang ang biktima na nakahandusay at wala nang buhay. Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Ayon kay Police Captain Jose Bayona, mahirap ang imbestigasyon dahil sira ang CCTV sa loob ng sabungan at hindi rin mahanap ang mga taong huling nakasama ng biktima. Sa crime scene, narekober ang ilang basyo ng bala ng .45 caliber pistol.
Patuloy ang hot pursuit operation at follow-up investigation ng pulisya para makilala ang salarin at malaman ang motibo sa pamamaril.