
Ang Pilipinas, na nasa Pacific Ring of Fire, ay laging nanganganib sa lindol. Pero ngayon, umaasa ang mga siyentipiko at eksperto sa bagong hazard maps at makabagong teknolohiya para mas mapaghandaan ito at maiwasan ang pagkawala ng buhay.
Inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) at PHIVOLCS ang Accelerated Earthquake Multi-Hazards Mapping and Risk Assessment Program (ACER) noong July 23, 2025. Layunin ng ACER na gumawa ng mas mabilis, mas detalyado, at high-resolution hazard maps para sa mga probinsya, gamit ang AI, LiDAR drones, at geophysical surveys.
May apat na proyekto ang ACER:
Project OMEGA: Pag-model ng lindol, landslide, at ground shaking
Project SIGMA: Pag-verify at mapping ng active fault lines
Project DeLTA: Pagsusuri ng liquefaction at tsunami hazard
Project LUPA: AI-based mapping ng land cover para sa mas maayos na urban planning
Ayon kay Arturo Daag ng PHIVOLCS, dati ay halos isang taon bago matapos ang hazard map ng isang probinsya. Ngayon, dahil sa AI at modern tech, inaasahang mapapabilis ito at magiging available sa GeoRiskPH platform para magamit ng publiko.
Sabi ni DOST Secretary Renato Solidum, mahalaga ang science at innovation para hindi lang mailigtas ang buhay kundi pati ang kabuhayan ng mga Pilipino. Sa mas matalinong hazard mapping, mas magiging handa ang bansa sa malalakas na lindol at iba pang sakuna.