
Ang bilang ng mga nasawi dahil sa epekto ng habagat at tatlong bagyo — Crising, Dante, at Emong — umabot na sa 34, ayon sa pinakahuling ulat ng NDRRMC nitong Martes.
Sa kabuuan, dalawa lamang ang kumpirmadong namatay dahil sa bagyo at habagat, habang 32 pa ang patuloy na bineberipika. Samantala, may 18 sugatan at 7 nawawala sa iba’t ibang lugar.
Ayon sa NDRRMC, mahigit 1.8 milyong pamilya o 6.6 milyong katao ang naapektuhan ng malalakas na ulan at pagbaha. Sa mga ito, 33,694 pamilya (113,646 katao) ang nasa loob ng evacuation centers, habang 21,299 pamilya (80,496 katao) ay pansamantalang nakikitira sa mga kaanak.
Bukod dito, 161 kalsada at 17 tulay ang hindi pa madaanan. 13,554 bahay ang bahagyang nasira at 1,666 bahay ang tuluyang nawasak. Tinatayang P1.7 bilyon ang pinsala sa agrikultura at P7 bilyon naman sa imprastruktura.
Ayon sa NDRRMC, lumabas na ng PAR si Bagyong Emong nitong Sabado, ngunit nananatiling apektado ang maraming lugar sa Luzon. Dahil dito, maraming klase at trabaho sa gobyerno ang nakansela. Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na kailangang baguhin ng mga Pilipino ang pananaw at maging handa sa “bagong normal” na dulot ng pagbabago ng klima.