Ang sunog sa Barangay 93, Tondo, Maynila ay sumiklab pasado alas-3 ng madaling araw nitong Martes, Hulyo 29, 2025. Tinatayang nasa 30 bahay ang natupok at higit 100 pamilya ang apektado.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), ang sunog ay umabot sa ikatlong alarma kaya’t agad rumesponde ang nasa 50 bumbero at fire volunteers. Gayunpaman, nahirapan silang apulahin ang apoy dahil sa malakas na hangin at magagaan na materyales ng mga bahay.
Sabi ni FSINSP Ronald Lim ng BFP Manila, ito ang naging malaking hamon sa kanilang operasyon. Maraming residente ang halos walang naisalbang gamit dahil sa pagmamadali sa paglikas.
Tinatayang nasa P100,000 ang pinsala ng sunog. Sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ito sa ikalawang palapag ng isang bahay, posibleng dulot ng problema sa kuryente.
Wala namang naiulat na namatay o nasugatan. Pasado alas-7 ng umaga nang ideklara itong fire out.